I Love You, Goodbye

Posted in Uncategorized on Hunyo 30, 2009 by starreader

Ikaw ang best friend ko. Magkaibigan tayo simula grade one hanggang makapagtapos tayo ng hayskul. Magkaibigang matalik din ang mga lola natin. Pareho tayong naghihikahos sa buhay at salat sa mga materyal na bagay. Close tayo at kilalang kilala natin ang isa’t isa. Kamukha mo ang tatay mong si Mang Efren kaya at ikaw ang kanyang junior. Kumpleto ang inyong pamilya samantalang ako ay ulila na. Para na ring anak ang turing nila sa akin dahil madalas akong matulog sa inyo. Namatay ang aking mga magulang sa isang aksidente noong ako ay apat na taong gulang pa lang. Ang aking mga agwela ang nagpalaki sa akin katulong ang mga kapatid ng aking ina.

Gusting-gusto kong nakikita kang nakangiti dahil lumalabas ang iyong mga biloy sa magkabilang pisngi. Kahawig mo ang nasirang matinee idol na si Rico Yan kapag ikaw ay naka- side view. Moreno ang iyong kulay dahil sa palagi kang nakabilad sa araw. Ikaw kasi ang katulong ni Mang Efren sa mga gawaing-bukid. Ako naman ay maputla dahil laging nasa loob ng bahay at nag-aaral. Wala kang hilig sa pag-aaral dahil naniniwala kang nasa diskarte ng tao ang kanyang pag-unlad. Pagkagradweyt natin ng hayskul ay pinili mo ang manatili sa bukid samantalang ako ay lumuwas ng Maynila upang mag-kolehiyo. Magkasalungat nga raw talaga tayo sabi ng ating mga kababaryo.

Kinabahan ako nang gumalaw ka sa iyong higaan. Ayokong makita mo akong gising at nakatitig lamang sa iyong maamong mukha. Napabuntunghininga ako. Isa kang anghel sa paningin, Jhun… Halos lahat ng dalaga sa ating baryo ay may gusto kang maangkin. Kahit ang mga may-asawa nang babae ay humahanga sa iyo. Malalagong kilay, may katangusang ilong, at mapupulang mga hugis-pusong labi. Tunay ngang kaakit-akit ka subalit hindi lang ito ang dahilan kung bakit mahal kita. Malalim ang ating pinagsamahan at batid ko ang kabutihan ng iyong loob. Noong nasa elementarya pa lang tayo ay lagi mo akong ipinagtatanggol sa mga nanunuksong kaklase natin. Hindi lingid sa baryo natin ang pagiging bading ko. Bata pa lang ako ay alam ko nang kakaiba ako sa ibang mga batang lalaki. Ngunit hindi naging madali ang pagladlad ko sa aking kapa. Napakakonserbatibo at relihiyoso ang ating mga kababaryo lalo na ang aking mga agwela. Mas mabuti pa nga ang mga magulang mo dahil hindi malaking isyu sa kanila ang aking pagkatao. Hayskul na ako nang matanggap na ng aking pamilya ang pagiging bading ko dahil nakita naman nilang behave ako. Naniniwala kasi akong ang sekswalidad ay dapat manatiling pribado at kung ibabahagi ay doon lamang sa mga taong malalapit sa iyo.

Humaplos sa aking katawan ang lamig ng aircon. Sa Hotel Sogo tayo tumuloy pagkatapos mapagod sa pamamasyal. Himbing na himbing ka sa iyong pagtulog samantalang ako’y hindi dalawin ng antok. Sariwang-sariwa ang sugat ng aking puso. Ipinagtapat mo kanina na nakabuntis ka at nakatakda na ang inyong kasal sa loob ng anim na linggo. Namanhid ang aking pakiramdam nang marinig ko ang iyong balita. Gusto kong umiyak ngunit walang tumulong luha mula sa aking mga mata. Inimbitahan mo akong dumalo sa inyong kasal dahil ako ang iyong bestman. Kinuha mo rin akong ninong ng iyong magiging anak. Hindi pa rin ako umiimik kaya mariin mo akong tinitigan. Inakbayan mo ako at doon na ako napaluha. Ayoko kasing mawala ka sa akin. Mahal na mahal kita higit pa sa pagiging isang kaibigan. Wala pa ring namumutawi kahit isang kataga sa aking mga labi kaya tuluyan mo na akong niyakap. Napahagulhol ako dahil sa iba’t ibang emosyong bumalot sa akin ng mga panahong iyon.

“Alam kong mahal mo ako, Lei. Mahal din naman kita, eh. Ikaw ang bespren ko. Malaim na ang ating pinagsamahan. Wala namang magbabago sa pagkakaibigan natin. Nauunawaan mo naman ako, ‘di ba. Maging masaya ka sana para sa akin.”

Ilang sandaling katahimikan ang dumaan sa pagitan natin. Piping saksi sa atin ang apat na sulok ng hotel. Mataman lang akong nakikinig sa mga sinasabi mo habang tumataas-baba ang aking balikat. Wala nang luhang umaagos sa aking mukha pero nahirapan akong huminga. Hangos mong kinuha ang isang basong tubig sa maliit na mesa sa gild ng kama at ipinainom sa akin. Para akong robot na ibinuka ang bibig habang pinapainom mo ako. Kumalma naman kahit kaunti ang pakiramdam ko. pagkatapos ay inihiga mo ako sa malambot na kama at kinumutan. Tumabi ka sa aking pagkakahiga at niyakap mo ako hanggang sa tuluyan akong kumalma. Maya-maya ay sinulyapan kita at nakita kong nakapikit na ang mga mapupungay mong mata. Nakonsensiya ako kasi halatang napagod ka sa biyahe at sa ginawa nating pamamasyal. Pinakiramdaman kita at nang masiguro kong tulog ka na ay umupo ako sa tabi mo.

Tama ka, Jhun… Malalim na ang ating pinagsamahan. Mahal na mahal rin kita simula pa noong mga bata pa tayo. Nauunawaan kita. Ang totoo, pinaghandaan ko na ang mangyayaring ito na magkakaroon ka rin ng sariling pamilya. Hindi ko nga lang inaasahan na mangyayari kaagad ito dahil wala ka namang nababanggit sa akin tungkol dito. Pinikot ka lang ng babae pero bakit pumayag ka kaagad na maging mag-asawa kayo? Dahil ba sa magiging anak ninyo? Masakit ngunit kailangan kong tanggapin. Ganyan kita kamahal. Ang pag-ibig ay hindi makasarili bagkus ay mapagbigay at maunawain.

Marahil ay narinig mo ang bulong ng aking puso dahil marahang dumilat ang iyong mga mata. Kumunot ang iyong noo at hinila mo ang aking kamay upang lumapit sa iyo. Naramdaman ko ang tigas ng iyong palad bunga ng araw-araw na pagtatrabaho mo sa bukid. Kusa akong sumunod at nahiga sa tabi mo. Iniunat mo ang iyong kanang braso upang maging unan ko. Bigla mo akong niyakap na ikinagulat ko naman. Mahigpit ang iyong pagyapos at kinabig mo ang aking katawan para ipatong sa iyo. Parang matutunaw ang puso ko nang mga sandaling iyon kaya gumanti na rin ako ng yakap. Ito na marahil ang huling yakap na matatanggap ko sa iyo. Hinaplos mo ang aking buhok ng iyong kanang kamay habang ang kaliwa naman ay nasa likod ko. Hindi ko na naman napigilan ang lumuha sa ligayang bumabalot sa aking puso. Isinubsob ko ang aking mukha sa matipuno mong balikat. Kung ito man ang huling pagkakataon para makasama kita nang matagal, gusto kong ipadama sa iyo kung gaano kita kamahal. Gumapang ang aking mga kamay – sa buhok, mukha, leeg… hita… Ilang sandali pa at pareho na tayong nilamon ng antok…

Awit ng Buhay Ko

Posted in Uncategorized on Mayo 26, 2009 by starreader

Sinasabing ang musika ay nakakapagpagaling ng sugatang puso. Para sa akin, ang kasabihang ito ay totoo. Mula pagkabata, ang musika lang ang tanging nakakaunawa sa aking masalimuot na mga damdamin – nagpapasaya sa tuwing ako’y nalulungkot, nakikiindak sa tuwing ako’y masaya, nakikiluha sa tuwing ako’y nasasaktan.

Ako ang taong mayroong hindi magandang karanasan mula pa pagkabata. Tatlong gulang pa lang ako nang maghiwalay ang mga magulang ko. Hindi naman kasi sila kasal kaya madali nilang napagkasunduang magkanya-kanya na ng buhay. Tatlo kaming magkakapatid at ako ang middle child. Sabi noon sa aming THE (Technology and Home Economics) subject, karaniwan nang ang middle child ang balewala sa magkakapatid. Nang maghiwalay ang mga magulang ko, naiwan ang kuya ko sa pangangalaga ng tatay ko samantalang kami ng kapatid kong bunso na isang babae ay isinama ng nanay ko sa probinsiya ng Camarines Sur, Bicol kung saan nandoon ang aking mga lolo at lola sa ina. Subalit makalipas ang ilang linggo ay lumuwas ng Maynila ang nanay ko kasama ang kapatid ko at iniwan ako sa kalinga ng aking lola. Hindi naging maganda ang pagtrato sa akin ng mga agwela ko lalo na ang lolo ko dahil ayon sa kaniya ay hindi niya obligasyon ang alagaan ako. Siguro kaya ganoon ang naging pagtanggap niya sa akin kasi napagod na siya sa pagpapalaki ng kaniyang labing-isang mga anak. Gayundin nang mga panahong iyon ay nakatira rin sa kanila ang iba ko pang mga pinsan na iniwan din ng aking mga tiyahin sa kanilang pangangalaga. Ang mas malala pa nito, pati ang aking mga tiyuhin na kapatid ng aking ina ay malupit din ang pagtrato hindi lang sa akin kundi maging sa iba ko pang mga pinsan. Dahil dito, naging malulungkutin ako, laging nag-iisa at hindi masyadong nakikisalamuha sa ibang mga tao kahit ako’y nagbibinata na. Mabuti naman ang pagtrato sa akin ng lola ko dahil pinag-aral niya ako kahit hanggang 2nd year hayskul lang. Noong hayskul, tahimik, suplado, at weird ang unang impresyon sa akin ng mga kaklase ko.

Ang tanging kapiling ko sa aking pag-iisa, lalo na kapag wala sa aming kubong bahay ang mga pinsan at tiyuhin ko dahil nasa galaan o tambayan, ay ang isang maliit na radyo na pag-aari ng isa kong tiyahin na nagtatrabaho sa Pampanga. Nakasanayan ko na ang makinig ng iba’t ibang awitin mula sa hugis parisukat na bagay na ito lalo na kapag ako ay nalulungkot. Lahat ng musika at awitin ay gusto ko, maging rock, jazz, pop o rap man ito. Ngunit pinakagusto kong pinapakinggan ang mga malulungkot na awitin na ballad songs, hindi sa mensahe ng kanta kundi dahil sa malungkot na melodiya nito, iyong para akong hinehele sa alapaap. Sa pamamagitan ng pakikinig sa mga musikang ganito, kasabay ang pagsabay sa pag-awit ng kanta, ay nailalabas ko ang aking hindi maipaliwanag na takot at kalungkutan. Madalas ay nadadala ako sa mga awiting ito at hindi ko maiwasang hindi lumuha habang inaawit ang mga nasabing kanta. Pagkatapos kong sabayan ang awitin o kahit pakinggan lang ito ay nakakaranas ako ng hindi rin maipaliwanag na kaligayan, parang nakahinga ako nang maluwag.

Hindi ako makapagsabi kung alin sa mga awiting ito ang pinakagusto ko talaga subalit ang tatlo sa mga ito ay ang mga awiting Ocean Deep ni Cliff Richard , Ever Since the World Began ng Survivors, at Paalam Na ni Rachel Alejandro. Paborito ko ang Ocean Deep kasi parang ako ‘yung persona ng kanta – takot ipakita ang tunay na nararamdaman. Ito ang pinakahuling kanta na narinig ko sa tatlong nabanggit kasi hayskul na ako nang una ko itong marinig at nainlab agad ako sa awiting ito. Sa pangalawang awitin naman, malapit ito sa puso ko dahil feeling ko lang. Wala lang, hindi ko maipaliwanag kung bakit, eh. Una ko siyang narinig noong ako ay nasa elementarya pa lang, siguro Grade 2 ako noon. Basta gustung-gusto ko siyang pinapakinggan at inaawit at naiiyak ako habang ginagawa ko ito. Minsan nga nakita ako ng isa kong kaibigan, si Donna, na umiiyak at sinabihan niya akong parang baliw. Hindi lang kasi nila ako maintindihan kaya ganoon ang pananaw nila. Ang Paalam Na naman ni Rachel Alejandro ay handog ko sa aking sarili na katulad ng persona sa awitin, ay iniwan ng kanyang mahal sa buhay.

Sa ngayon ay wala akong balak na labanan ang aking kalungkutan. Komportable na akong kasama siya kapiling ang mga malulungkot na awitin. Siguro ay marami ang magtataka pero sa kalungkutan ko lang natatagpuan ang kapayapaang mahirap matagpuan ng ibang tao. Hanggang ako ay humihinga mananatili akong nakasandal sa aking kalungkutan na siyang tunay na nakakaunawa sa aking katauhan.

Bakit hindi babae si God?

Posted in Relihiyon with tags , , , , , on Mayo 22, 2009 by starreader

BAKIT HINDI BABAE SI GOD? AT IBA PANG MGA TANONG NA PANG-RELIHIYON

Is God Male? Does Everyone Have a Soul Mate? Ang Tao ba ay galing sa Unggoy? Ang Diyos ba ang pumipili ng ating mapapangasawa? At iba pang tanong na pang-relihiyon, ang bibigyang linaw ngayon para sa Pang-Semana Santang mga Artikulo ni Maestro Honorio Ong.

Maraming tanong na pang-relihiyon na kadalasan imbis na makatulong ang sagot ay lalo pang nagpapagulo sa isipan ng mga pangkaraniwang tao.

Isa sa nakai-intrigang tanong ng minsang nakinig kaming magkakapatid ng debate sa Plaza Miranda, sa harap ng simbahan ng Quiapo, way back nuong college life ko ay ang tanong ni Mr. Salas, ng pinagtatanggol niya ang Banal na Satanas ay ganito ang premise: “Kung nagagawa ng Diyos mo ang lahat ng bagay, makakagawa ba siya ng bato na hindi nya kayang buhatin?”

Kapag sinagot mo ang tanong na: “Oo” lalabas na may bato pala na hindi kayang buhatin ang Diyos. Kapag sinagot mo namanng: “Hindi”, lumalabas naman na may roon palang hindi kayang gawin ang sinasabi mong Makapangyarihang Diyos.

“Illogical” pala ang ganong tanong na natuklasan ko lang nuong nag-aral ako ng logic sa college day ko sa FEU. “Kontradiksyon” kung baga, kaya hindi papasa sa pagsusuring lohikal. Dahil walang tamang premise o ayos ang tanong na iyon.

Unang-una, ang Diyos ay hindi naman mang-gagawa ng bato, kaya hindi puwedeng iaplay sa Diyos ang tanong na iyon. Pangalawa, “bakit naman gagawa ang Diyos ng bato na hindi nya kayang buhatin?”

At kahit sinong gagong iskultor at papagawain siya ng batong hindi nya kayang buhatin at pagkatapos ay ipabubuhat mo sa kanya ang batong gnawa niya, hindi naman siya marahil na sisiraan ng bait para sumangayonsiya sa ganoong panloloko.

Sa madaling salita, may mga tanong na naka-ayos o may premise na puwede talagang sagutin, pero sa usapang pang-relihiyon kadalasan, marami talagang tanong na walang premise na hindi puwedeng sagutin, hindi naman sa hindi kayang sagutin, bagkus, illogical nga kasi kaya hindi puwedeng sagutin ng “reason’ dahil “iyong tanong contradiction na agad sa correct reason o correct logic o tamang pangangatuwiran.

Sa pagkakataong ito, ibabahagi ko sa inyo ang napakagandang sagot ni Bishop Ramon Arguelles, sa isang magazine pang-relihiyon na sinikap kong tagalugin, upang madagdagan ang inyong kalaaman at lumawak ang inyong kaisipan hinggil sa mga tanong na pang-relihiyon akala mong mahirap sagutin, pero ang totoo simple lang pala ang sagot.


Q. Is God Male? Bakit lalaki ang Diyos at hindi babae?

A. Ang ibig sabihin ng lalaki at babae ay nagtataglay ng laman at dugo – tulad ng tao at hayop. Ang Diyos ay Espirito. At ang Espirito ay hindi puwedeng magkaroon ng kasarian. Ganon paman, si Jesus ay naging tao at nagkataong siya ay isang lalaki. Tinawag na Ama ang Diyos, hindi dahil siya ay lalaki, bagkus sapagkat siya ang nagbigay ng buhay sa bawat tao. Maaari ding maging Ina ang Diyos, pero inuugnay natin sa anyong lalaki, sapagkat ang lahat ng kalakasan at buong kapangyraihan ay nasa kanya, kaya tinawag na – Diyos Amang Makapangyarihan sa Lahat.

****

Q. Ang tao ba ay galing sa unggoy?

S. May ilang nagsasabi ganon na nga, katulad ng ilang mga siyentista. Hindi ako sang-ayon diyan, sapagkat lumalabas na iniinsulto natin ang mga unggoy. Ang unggoy ay itinuturing na mababait na hayop. Hindi sila nagpapatayan. Subalit ang tao ay nagpapatayan ng masahol pa sa hayop. Tulad ng pagamit ng “genocide at nuclear bomb” at iba pang pamuksa na may kakayahang lumipol ng buong populasyon. May roon bang ganon klaseng pag-iisip ang mga unggoy? Dahil dito, nakakahiya naman sa mga unggoy, kung magpapaampon tayo sa kanila, bilang ating mga sinaunang ninuno.

Ganon paman, hindi na mahalaga kung sa unggoy o hindi sa unggoy nagmula ang tao. Ang mahalaga, may kaluluwa ang tao, na hindi nanggaling sa mababang uri ng mga hayop. May kaluluwa tayo, na tangi at espesyal na ipinagkaloob sa atin ng Diyos.

****

Q. Does everyone have a soul mate?

A. Wala akong tiyak na sagot kung ano ang ibig sabihin ng “soul mate”. Ito ba ang sinasabi ninyong “sharing of soul”? Alalahaning ang “soul” o kaluluwa ay hindi isang bagay. Ang kaluluwa ay personal at may kakanyahan.

Ngayon, kung ang sinasabi ninyong soul mate ay isang tao na katulad ninyo ang damdamin at magkatugma kayo ng saloobin, e di mas mabuti! Ganon paman, “hindi iisa ang kaluluwa ninyo!” Ibig sabihin lang nito, “espesyal kayo sa isat-isa!”

Sa anomang pagkakataon, ang bawat isa sa atin ay lagi namang may nakakapalayagan ng loob, nangyari, sapagkat tinawag tayo ng Diyos, upang magkalingaan at magmahalan sa isat-isa.

****

Q. Bakit hindi nag-aasawa ang mga pari?

A. May asawa din kami! Ang mga pari ay kasal sa sambayanan ng Diyos. Alalahaning ang pag-aasawa ay isang dedikasyon na inaalay mo ang iyong sarili para sa iyong minamahal. Kaya nga kami’y may asawa din – ang paghariin ang kalooban ng Diyos dito sa lupa.

Siyempre wala kaming asawang babae. Sapagkat ito ay magiging hadlang upang mapagsilbihan ng tapat at dalisay ang Diyos.

Ang isang pari na nag-asawa ng isang babae ay itinuturing na pari parin. Minsan kang maging pari, lagi ka ng pari. Kahit ang pari ay mapunta sa impiyerno, hindi mawawala ang kanyang pagka-pari. Ganon paman, hindi na siya makapagsisilbi pa bilang isang pari.

*****

Q. Ang Diyos ba ang pumipili ng ating mapapangasawa?

A. Hindi ako naniniwalang aabalahin pa ng Diyos ang sarili nya para sa pagpili ng iyong mapapangasawa. Sa palagay ko, ang tinatanong mo ay ganito: “Itinakda ba ng Diyos ang aking mapapangasawa? At wala kang magagawa kundi ang siya ay mapangasawa, sapagkat siya ang itnakda sa iyo?”

Hindi mo ba napansin may “free will” ang tao? Ikaw ang pumipili ng iyong mapapangasawa. At kayong dalawa ang magkahawak kamay na lumalakad patungo sa altar upang hingin ang mahalagang bendisyon ng Diyos.

Ipagpalagay na ang aking sarili, hindi ko denisisyong mag-asawa ng isang babae. Sa halip, ang idenisisyon ko ay ang ipagkaloob ang aking sarili kay Lord. Naging pari ako. Ginawa ko ito sa pamamagitan ng aking “free will”.

*****

Q. Isinilang na ba ako, bago ako ipinanganak?


A. Oo, naduon ka na ng humigit kumulang na siyam na buwan sa bahay bata ng nanay mo bago ka pa ipinanganak. Pero kung ang tinatanong mo ay “pre-existed before you were conceived” (hindi ka pa pinaglilihi at ginagawa ng nanay at tatay mo ay dati ka na palang may buhay), ito ang tinatawag na “reincarnation” na hindi katanggap-tanggap sa Doktrina ng Kristiyano.

*****
Q. Kasalanan bang mangutang at mag-pautang?

A. Depende sa iyong motibo. Kung mangungutang ka, para magtayo ng negosyo at kaya ka nagtayo ng negosyo ay para magkaroon ng trabaho ang mga istambay. Maganda ang pangungutang na ginawa mo. O kaya naman’y nangutang ka, dahil ipapagawa mo ang sira-sira nyo ng bahay, para sa iyong pamilya. Maganda pa rin.

Ang masama ay ang nangutang ka ng pera para ipampasarap mo sa buhay. Ito ay nangangahulugang, higit sa kanya mo ang ibinubuhay mo sa sarili mo. Ito ay kayabangan at ang kayabangan ay kasalanan. Hindi gusto ng Diyos na tayo’y maging mayabang at hambog (Proverbs 8:13).

Ang isa pang masama, ang mag pa-utang ng pera ng may malaking tubo. Katulad ng “five-six” system. Umutang ka ng P5, P6 ang balik. Ang pisong interest ay sadyang napakalaki. Ito ang tinatawag na pagsasamantala sa kapwa na isaring gawaing masama.

****

Q. Masama bang mag-sugal, na may kaakibat na “charity” katulad ng lotto at sweepstakes?

A. Kung kaya ka tataya sa lotto ay para makatulong sa mga mahihirap, hindi naman siguro masama. Ganon paman, ang lotto at iba pang legal na sugal ay sugal pa rin. At ang pagsusugal ay isang bisyo. At ang bisyo ay nakaka-addict, at ang pagiging addict ay humahantong sa pagkasira ng buhay at pamilya.

Kung gusto mo talagang tumulong sa mahihirap, bakit sa pagbili ng ticket sa lotto mo ibubuhos ang iyong pera? Bakit hindi mo pa idiretso ang kaunting pera, sa isang charity institution na ibig mong tulungan? Sa bagay, hindi milyong piso ang maibibigay mo, katulad ng halimbawang tumama kasa lotto, pero iyon lang ang kaya mong ibigay, at ang Diyos ay higit na natutuwa sa mga taong nagbibigay ng tapat sa ganang kanyang nakayanan.

*****

Q. Can I talk to my dead relatives?

A. Oo naman! Puwede mong kausapin ang namatay mo nang kamag-anak. Pero kung sasagutin ka ba niya o hindi, ibang usapan na iyon? At kung sumagotman siya, baka naman ilusyon mo lang ‘yon?

*****

Q. Malalaman ba natin kung sino ang maliligtas at kung sino ang hindi maliligtas?

A. No, we can’t! Ganito ang kuwento sa langit ng makapasok na ang lahat ng tao na nakalista sa Aklat ng Buhay. Sa Aklat ng Buhay, nakatala ang mga pangalan ng mga taong maliligtas.

Dahil nakapasok na ang lahat ng maliligtas, isinara na ni San Pedro ang malaking gate ng langit. Pero may isang sisilip-silip sa bintana na hindi mapakali. Pabalik-balik na naglalakad. Kinalabit siya ni San Pedro, nagulat si San Pedro, si Jesus pala iyon.

“Panginoon ano pa ang ginagawa mo diyan? Nasa loob na ang lahat ng mga taong maliligtas. Kumpleto na po sila don. Tara na…” Ang aya ni San Pedro,sabay hatak sa kamay ni Jesus. Pumalag si Jesus at sumagot: “Teka muna…hinihintay ko pa si Judas!”

Ganyan ang Diyos, kahit si Judas o ang isang pusakal na masama ay nais niyang maligtas, sapagkat ang Diyos ay sobrang mahabagin at lubhang mapag-mahal.

—–30———-

(Ang artikulong ito ay lumabas at na-pablished sa pahayagang BULGAR nuong April 9, 2009, sa artikulong Kapalaran Ayon sa Inyong Palad, para sa Pang-Semana Santang Espesyal na Presentasyon ng mga articles ni Maestro Honorio Ong)

*****

Kung may tanong pa kayo hinggil sa inyong pananampalataya, sa Biblia o sa anomang isyu na may kaugnayan sa relihiyon, maaari kayong sumulatsapahayagang BULGAR c/o MAESTRO HONORIO ONG, 534 Quezon Avenue, Quezon City 1100, Philippines o kaya’y mag-email kay Maestro Honorio Ong: maestro_honorio_ong@yahoo.com

A Birthday Introspection

Posted in Uncategorized on Mayo 12, 2009 by starreader

Tapos na ang aking kaarawan. Tapos na rin ang vacation leave ko. Balik na naman sa trabaho mamayang gabi. Muli na naman akong dadagsain ng mga tawag ng mga Kanong namomroblema sa kanilang mga computer.

Paano ko ba ipinagdiwang ang aking bertdey? Ang tanong ay kung isinilebreyt ko ba ang aking kaarawan. Kung matatawag na ngang celebration ang pagpapaluto ko ng pansit canton kay Kuya Erwin, oo. Nauna na kasi kahapon ang pagpapainom ko sa aking mga barkada na wala naman talagang alam at pakialam sa aking buhay. Saglit lang ang pagharap ko sa kanila. Hindi nga nila napansin na wala na ako dahil abala sila sa pagtungga ng alak na binili ko habang kanya-kanyang kuwento ng mga kayabangan.

Tahimik lang kahapon, Mayo 11, ang araw ng aking kapanganakan. Mag-isa lang ako sa bahay, natulog maghapon. Alas sais na nang magising ako sa pagdating ni Kuya Erwin galing sa trabaho. Tinanong niya ako kung gusto ko ng pansit canton. Tumango lamang ako.

Matapos kumain ay nagkulong ulit ako sa kuwarto. Nilunod ko ang aking tenga sa pakikinig ng mga classical songs. Pagkatapos ay nagsalang ako ng jazz music disc. Humiga ako sa aking kama. Binalikan ko ang mga nangyari sa aking buhay ngayong taon, paatras sa nakaraang taon, pabalik sa panahon ng aking pagkabata. Hindi ko maiwasang hindi mapaiyak. Tahimik lang akong lumuha. Sumagi sa aking isiapn ang namatay na dalawang mahalagang tao sa aking buhay nitong mga nakalipas na buwan – ang bespren ko at ang lola ko. Napahagulhol na ako. Mabuti na lang at nakasara ang pinto at bintana ng aking kuwarto. Maingay din ang tunog ng bentilador kaya hindi ako maririnig ng mga tao sa sala.

Pakiramdam ko nang mga oras na iyon ay gumuho ang aking mundo, nag-iisa at walang makapitan. Matagal ring naging manhid ang puso ko at nang mga panahong iyon ay bumulwak ang mga itinatago kong sama ng loob, galit, lungkot, at iba pang mga emosyong hindi ko na maintindihan. Nakatulog akong umiiyak.

Naalimpungatan ako nang mga alas tres. Gumaan na ang aking pakiramdam. Sa wakas at nailabas ko rin ang kinikimkim kong mga hinanakit sa buhay. Kinausap ko ang Dakilang Lumikha, humingi ako ng tawad sa aking mga nagawang pagkakamali. Nagpasalamat ako sa mga biyayang dumating sa akin sa kabila ng mga pangit na nangyari. Ganoon naman talaga kasi ang buhay, may lungkot at may saya. Humingi ako sa kanya ng karunungan sa pagdedesisyon sa aking buhay, kasama na ang kanyang paggabay.

Sa ngayon, aaminin ko na naroon pa rin ang pakiramdam ng pagkabalisa. Wala naman kasing nakakaalam ng mangyayari sa hinaharap. Subalit naisip ko na habang nabubuhay ako, pipilitin kong maging masaya at makabuluhan ang mga oras na ilalagi ko rito sa mundong ibabaw. Happiness is a choice, sabi nila. At ito ang pinili ko.

Tuwing Umuulan

Posted in Uncategorized on Abril 25, 2009 by starreader

Summer ngayon pero tatlong araw nang umuulan. May bagyo raw kasi sabi nung taxi driver na nasakyan ko kahapon.

Ayoko ng ulan. Lalong lalo na ang marinig ang pagpatak nito.

Kinakabahan ako kapag naririnig ko ang patak ng ulan sa aming kalawanging bubungan. Kinikilabutan ako lalo na kapag may kasama itong kulog at malakas na hangin. Pakiramdam ko, magugunaw na ang mundo. Nagsasalimbayan sa aking gunita ang mga eksenang nabasa ko sa Bibliya noong ako ay nasa elementarya pa lang. Lalo pa akong natatakot ako kapag madilim ang paligid dulot ng makapal na ulap-ulan. Pakiramdam ko kapag umuulan ay hindi ko na masisilayan ba ang maliwanag na bukas.

Ayoko ng ulan.

Pinapalungkot ako ng pagluha ng kalangitan. Maraming mga masasama at masasakit na alaala ang hatid sa akin ng pag-ulan. Umuulan noon nang umuwi kami sa Bicol ng mga kapatid ko pagkatapos maghiwalay ang aking mga magulang noong ako ay anim na taong gulang. Humahampas ang malakas na alon sa sinasakyan naming bangkang de-motor habang tahimik akong lumuluha dahil mapapalayo ako sa tatay ko. Papa’s boy kasi ako, madalas kaming naglalaro noon ng aking mahal na ama. Nasa tabi niya ako lagi kahit nag-iinuman pa sila ng mga kabarkada niya. Palagi niya rin akong iniaangkas sa kanyang likuran kapag namamasyal kami ng buong pamilya. Tatlo kaming magkakapatid at ako ang panggitna. Paborito ng aking mga lolo at lola sa ama ang aking kuya kaya mas madalas sa kanila ang kapatid ko. Babae ang bunso namin, at siya namang laging inaasikaso ng nanay ko dahil nag-iisang babae. Kaya naging mas malapit ako sa tatay ko. Dalawampung taon na ang lumipas at hindi ko na maibabalik pa ang nakaraan.

Napapaluha ako kapag umuulan. Alam ko kasing iyon ang pagkakataon upang ako naman ay umiyak. Ilan lamang ang nakakaalam ng aking tunay na saloobin. Marami sa mga taong nasa paligid ko ay masayahin ang pagkakakilala sa akin. Iyon naman kasi talaga ang ipinapakita ko sa kanila. Saka ayoko rin kasi ang maging malungkot, eh ganun na nga ang buhay ko, ‘di ba? Dapat kung may lungkot, may saya para balanse.

Taurus (April 20-May 20)

Posted in Astrology, zodiac signs with tags , , on Abril 20, 2009 by starreader

TAURUS
THE BULL – APRIL 20 – MAY 20
BIRTHSTONE: EMERALD O GATE
BIRTHFLOWER: LILY OF THE VALLEY
COLORS: YELLOW AT BLUE
RULING PLANET: VENUS

BEST MARRIAGES:
VIRGO, LIBRA, SCORPIO AT CAPRICORN

EARLY PERIOD:
Nandito ang may “strong personality” pinaghalong simpatiya at lakas, na sobra ang paghahangad sa mga bagong oportunidad para sa isang mabilis ngunit mahirap na pagkilos upang makamit lamang ang kanilang kagustuhan. At kung sila ay nahaharap sa isang seryosong sitwasyon o kakaiba sa kanila, gagawa at gagawa sila ng paraan upang makaalis sa sitwasyon kaysa maghintay na lamang kung ano ang mangyayari. Sabi nga, basta makakita ng pagkakataon, hahanap sila ng paraan upang makamit lamang ang gusto kung kaya naman ay kailangan nila ng control, control at ibayong control pa.

LATE PERIOD: Kung sa early period ay strong na ang personality ng Taurean, dito sa late period ay mas lalong stronger ang kanilang personality at skillful. Marunong silang makipaglaro at puwedeng ma-off guard ang kanilang kaharap at pagkatapos ay kikilos ng buong-buo ang loob para sa ikatatagumpay ng kagustuhan. Kapag hindi naman nasunod ang mga ito ay nagta- tantrums sila at hindi ito maganda dahil hindi lahat ng kanilang nakakahalubilo ay kasing clever nila at maari pang ma-offend ang kanilang kaharap.

POSITIVE TRAITS: Ang Taurean ay tapat sa kanilang sinasabi at mapanghahawakan ang kanilang binitawang salita. Tinatanggap nila ang isang tao ayon sa kanilang sariling katauhan. Maaasahan mo sila sa oras ng kagipitan at ugali na nila ang tumulong sa taong nasa kagipitan. Family- oriented, reliable at loving. Kapag nakagawa na sila ng desisyon, hindi iyon mababago o mapapalitan pa. Ang kanilang katigasan ng kalooban ay masasabi ring kalinisan ng kalooban dahil ang anumang bagay na kanilang gustuhin ay kailangang manggaling sa kanilang sariling sikap at malinis na paraan.

NEGATIVE TRAITS:
May tendency na maging materialistic ang Taureans. Ayaw nila na sila ay pinagsasabihan sa kanilang dapat gawin kung kaya’t napakahirap sa kanila ang makinig sa paliwanag at katwiran ng iba. Napakahirap sa kanila ang magpatawad at malimutan ang mga taong nakagawa sa kanila ng pagkukulang o pagkakamali.

Kapag sinabi naman nating matigas ang ulo ng isang tao, hindi malayong ipinanganak siya sa ilalim ng signos na TAURUS. Bull- headed ‘ika nga, na gaya sa torong sumisimbolo sa kanya. Pero mautak din; alam ang gusto niya at handing magsumikap upang makamit iyon. Kung minsan, ang mga Taurean ay sobrang mapagbigay. Kung minsan naman, kapwa kapag sinabi nilang wala, hindi mo sila maamutan. Ang Taurus ay lagging nasa unahan. Kung kailangan mo ng tulong, nakahanda siya sa lahat ng oras, basta sa tingin niya’y tama. Kapag inisahan mo, tiyak na ikaw ay susuwagin niya. Sa mitolohiyang Griyego, si Zues mismo ang nagsa-toro dahil sa labis na pagkahumaling niya sa kagandahan ni Europa. Puting toro na mabikas ang tindig at maganda ang tinig. Nabighani naman si Europa nang Makita ang toro, kaya ito’y sumakay. Inilipad siya ng toro sa Crete at doon ay ipinagtayo siya ni Zues ng magandang palasyo na wala kang makikita kundi pawing kagandahan. Mahilig sa kasayahan ang mga Taurus. Sila’y kadalasang nagtatagumpay bilang magbubukid, negosyante, inhinyero at iba pang propesyon na kailangan ang talas ng isip. kapag hindi narendahan ng isang Taurean ang tigas ng kanyang ulo, ito ang maglulubog sa kanya sa kabiguan. Pero habang nagtatagumpay ay lalo naman siyang nagiging matulungin at mapagkawanggawa. Ang planetang Venus ang gumagabay sa signos ng Taurus. Si Venus ang kumakatawan sa kagandahan, pag-ibig at pagkakaunawaan, pati ng pertilidad. Wala siyang hinihindian sa mga humihiling sa kanya. Sa mga romano noong unang panahon, patron nila ang diyosang si Venus sa politika at diplomasya, tulad din ng mga marino, dahil nga sa kanyang kapusukan. Ayaw ni Venus ng pangit ng anumang kapangitan kaya gusto niyang bahagian ng pag-ibig at kagandahan ang bawat lumapit sa kanya. Sa kabila ng kanyang kapusukan, pinapaboran din ni Venus ang mataas na lipunan, ang romansa, magandang kapalaran, mga samahan, ang sining at kultura, at ang pag-unlad ng tao, hindi lamang sa material na bagay, kundi pati na rin sa mga bagay na ispiritwal.

Panaghoy ng Puso

Posted in Uncategorized on Disyembre 30, 2008 by starreader

Ngayon ang huling gabi ng pagluha ng aking puso
Gusto ko lang isatinig ang mga hinanakit nito.

Talaga bang ganoon? Parang dinadaya ako ng mundo.
Mahal ko siya pero may mahal naman siyang iba.
Gusto ko siyang makasama pero iba ang kapiling niya
Madaya nga ba ang mundo o hangal lang ang puso ko?

Dati ay ganito ang pananaw ko sa pag-ibig:
Kahit nasasaktan at balewala, dapat magtiis;
Kahit ipinagtatabuyan na, ayos lang
Ang mahalaga kasi, ako’y nagmamahal.

Sabi naman ng iba dapat ganito ang pag-ibig:
Ito raw ay nagbibigay, hindi sakim at nananakit,
Ito raw ay nagpapasaya, hindi nagpapaiyak.
Dapay daw bukas ang puso at makatarungan sa lahat.

Ahhh… tunay ngang kaysarap ang umibig!
Ngunit pag nabigo, kaysakit sa dibdib.
Madali ang umibig pero matagal ang paglimot
Ang sandaling ligaya ay napapalitan ng lungkot.

Sabi nga ng lola ko, nagsismula raw ang buhay natin
Kapag nahanap na natin ang taong ating mamahalin
Tinanong niya ako, “Nagsimula na ba ang buhay mo?”
Sagot ko, “Tapos na po dahil iniwan na niya ako…”

Ngayon ang huling gabi ng pagluha ng aking puso.
Maluwag ko nang tinatanggap ang aking pagkabigo.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.