Imbak para sa Kategoryang Uncategorized

I Love You, Goodbye

Posted in Uncategorized on Hunyo 30, 2009 by starreader

Ikaw ang best friend ko. Magkaibigan tayo simula grade one hanggang makapagtapos tayo ng hayskul. Magkaibigang matalik din ang mga lola natin. Pareho tayong naghihikahos sa buhay at salat sa mga materyal na bagay. Close tayo at kilalang kilala natin ang isa’t isa. Kamukha mo ang tatay mong si Mang Efren kaya at ikaw ang kanyang junior. Kumpleto ang inyong pamilya samantalang ako ay ulila na. Para na ring anak ang turing nila sa akin dahil madalas akong matulog sa inyo. Namatay ang aking mga magulang sa isang aksidente noong ako ay apat na taong gulang pa lang. Ang aking mga agwela ang nagpalaki sa akin katulong ang mga kapatid ng aking ina.

Gusting-gusto kong nakikita kang nakangiti dahil lumalabas ang iyong mga biloy sa magkabilang pisngi. Kahawig mo ang nasirang matinee idol na si Rico Yan kapag ikaw ay naka- side view. Moreno ang iyong kulay dahil sa palagi kang nakabilad sa araw. Ikaw kasi ang katulong ni Mang Efren sa mga gawaing-bukid. Ako naman ay maputla dahil laging nasa loob ng bahay at nag-aaral. Wala kang hilig sa pag-aaral dahil naniniwala kang nasa diskarte ng tao ang kanyang pag-unlad. Pagkagradweyt natin ng hayskul ay pinili mo ang manatili sa bukid samantalang ako ay lumuwas ng Maynila upang mag-kolehiyo. Magkasalungat nga raw talaga tayo sabi ng ating mga kababaryo.

Kinabahan ako nang gumalaw ka sa iyong higaan. Ayokong makita mo akong gising at nakatitig lamang sa iyong maamong mukha. Napabuntunghininga ako. Isa kang anghel sa paningin, Jhun… Halos lahat ng dalaga sa ating baryo ay may gusto kang maangkin. Kahit ang mga may-asawa nang babae ay humahanga sa iyo. Malalagong kilay, may katangusang ilong, at mapupulang mga hugis-pusong labi. Tunay ngang kaakit-akit ka subalit hindi lang ito ang dahilan kung bakit mahal kita. Malalim ang ating pinagsamahan at batid ko ang kabutihan ng iyong loob. Noong nasa elementarya pa lang tayo ay lagi mo akong ipinagtatanggol sa mga nanunuksong kaklase natin. Hindi lingid sa baryo natin ang pagiging bading ko. Bata pa lang ako ay alam ko nang kakaiba ako sa ibang mga batang lalaki. Ngunit hindi naging madali ang pagladlad ko sa aking kapa. Napakakonserbatibo at relihiyoso ang ating mga kababaryo lalo na ang aking mga agwela. Mas mabuti pa nga ang mga magulang mo dahil hindi malaking isyu sa kanila ang aking pagkatao. Hayskul na ako nang matanggap na ng aking pamilya ang pagiging bading ko dahil nakita naman nilang behave ako. Naniniwala kasi akong ang sekswalidad ay dapat manatiling pribado at kung ibabahagi ay doon lamang sa mga taong malalapit sa iyo.

Humaplos sa aking katawan ang lamig ng aircon. Sa Hotel Sogo tayo tumuloy pagkatapos mapagod sa pamamasyal. Himbing na himbing ka sa iyong pagtulog samantalang ako’y hindi dalawin ng antok. Sariwang-sariwa ang sugat ng aking puso. Ipinagtapat mo kanina na nakabuntis ka at nakatakda na ang inyong kasal sa loob ng anim na linggo. Namanhid ang aking pakiramdam nang marinig ko ang iyong balita. Gusto kong umiyak ngunit walang tumulong luha mula sa aking mga mata. Inimbitahan mo akong dumalo sa inyong kasal dahil ako ang iyong bestman. Kinuha mo rin akong ninong ng iyong magiging anak. Hindi pa rin ako umiimik kaya mariin mo akong tinitigan. Inakbayan mo ako at doon na ako napaluha. Ayoko kasing mawala ka sa akin. Mahal na mahal kita higit pa sa pagiging isang kaibigan. Wala pa ring namumutawi kahit isang kataga sa aking mga labi kaya tuluyan mo na akong niyakap. Napahagulhol ako dahil sa iba’t ibang emosyong bumalot sa akin ng mga panahong iyon.

“Alam kong mahal mo ako, Lei. Mahal din naman kita, eh. Ikaw ang bespren ko. Malaim na ang ating pinagsamahan. Wala namang magbabago sa pagkakaibigan natin. Nauunawaan mo naman ako, ‘di ba. Maging masaya ka sana para sa akin.”

Ilang sandaling katahimikan ang dumaan sa pagitan natin. Piping saksi sa atin ang apat na sulok ng hotel. Mataman lang akong nakikinig sa mga sinasabi mo habang tumataas-baba ang aking balikat. Wala nang luhang umaagos sa aking mukha pero nahirapan akong huminga. Hangos mong kinuha ang isang basong tubig sa maliit na mesa sa gild ng kama at ipinainom sa akin. Para akong robot na ibinuka ang bibig habang pinapainom mo ako. Kumalma naman kahit kaunti ang pakiramdam ko. pagkatapos ay inihiga mo ako sa malambot na kama at kinumutan. Tumabi ka sa aking pagkakahiga at niyakap mo ako hanggang sa tuluyan akong kumalma. Maya-maya ay sinulyapan kita at nakita kong nakapikit na ang mga mapupungay mong mata. Nakonsensiya ako kasi halatang napagod ka sa biyahe at sa ginawa nating pamamasyal. Pinakiramdaman kita at nang masiguro kong tulog ka na ay umupo ako sa tabi mo.

Tama ka, Jhun… Malalim na ang ating pinagsamahan. Mahal na mahal rin kita simula pa noong mga bata pa tayo. Nauunawaan kita. Ang totoo, pinaghandaan ko na ang mangyayaring ito na magkakaroon ka rin ng sariling pamilya. Hindi ko nga lang inaasahan na mangyayari kaagad ito dahil wala ka namang nababanggit sa akin tungkol dito. Pinikot ka lang ng babae pero bakit pumayag ka kaagad na maging mag-asawa kayo? Dahil ba sa magiging anak ninyo? Masakit ngunit kailangan kong tanggapin. Ganyan kita kamahal. Ang pag-ibig ay hindi makasarili bagkus ay mapagbigay at maunawain.

Marahil ay narinig mo ang bulong ng aking puso dahil marahang dumilat ang iyong mga mata. Kumunot ang iyong noo at hinila mo ang aking kamay upang lumapit sa iyo. Naramdaman ko ang tigas ng iyong palad bunga ng araw-araw na pagtatrabaho mo sa bukid. Kusa akong sumunod at nahiga sa tabi mo. Iniunat mo ang iyong kanang braso upang maging unan ko. Bigla mo akong niyakap na ikinagulat ko naman. Mahigpit ang iyong pagyapos at kinabig mo ang aking katawan para ipatong sa iyo. Parang matutunaw ang puso ko nang mga sandaling iyon kaya gumanti na rin ako ng yakap. Ito na marahil ang huling yakap na matatanggap ko sa iyo. Hinaplos mo ang aking buhok ng iyong kanang kamay habang ang kaliwa naman ay nasa likod ko. Hindi ko na naman napigilan ang lumuha sa ligayang bumabalot sa aking puso. Isinubsob ko ang aking mukha sa matipuno mong balikat. Kung ito man ang huling pagkakataon para makasama kita nang matagal, gusto kong ipadama sa iyo kung gaano kita kamahal. Gumapang ang aking mga kamay – sa buhok, mukha, leeg… hita… Ilang sandali pa at pareho na tayong nilamon ng antok…

Awit ng Buhay Ko

Posted in Uncategorized on Mayo 26, 2009 by starreader

Sinasabing ang musika ay nakakapagpagaling ng sugatang puso. Para sa akin, ang kasabihang ito ay totoo. Mula pagkabata, ang musika lang ang tanging nakakaunawa sa aking masalimuot na mga damdamin – nagpapasaya sa tuwing ako’y nalulungkot, nakikiindak sa tuwing ako’y masaya, nakikiluha sa tuwing ako’y nasasaktan.

Ako ang taong mayroong hindi magandang karanasan mula pa pagkabata. Tatlong gulang pa lang ako nang maghiwalay ang mga magulang ko. Hindi naman kasi sila kasal kaya madali nilang napagkasunduang magkanya-kanya na ng buhay. Tatlo kaming magkakapatid at ako ang middle child. Sabi noon sa aming THE (Technology and Home Economics) subject, karaniwan nang ang middle child ang balewala sa magkakapatid. Nang maghiwalay ang mga magulang ko, naiwan ang kuya ko sa pangangalaga ng tatay ko samantalang kami ng kapatid kong bunso na isang babae ay isinama ng nanay ko sa probinsiya ng Camarines Sur, Bicol kung saan nandoon ang aking mga lolo at lola sa ina. Subalit makalipas ang ilang linggo ay lumuwas ng Maynila ang nanay ko kasama ang kapatid ko at iniwan ako sa kalinga ng aking lola. Hindi naging maganda ang pagtrato sa akin ng mga agwela ko lalo na ang lolo ko dahil ayon sa kaniya ay hindi niya obligasyon ang alagaan ako. Siguro kaya ganoon ang naging pagtanggap niya sa akin kasi napagod na siya sa pagpapalaki ng kaniyang labing-isang mga anak. Gayundin nang mga panahong iyon ay nakatira rin sa kanila ang iba ko pang mga pinsan na iniwan din ng aking mga tiyahin sa kanilang pangangalaga. Ang mas malala pa nito, pati ang aking mga tiyuhin na kapatid ng aking ina ay malupit din ang pagtrato hindi lang sa akin kundi maging sa iba ko pang mga pinsan. Dahil dito, naging malulungkutin ako, laging nag-iisa at hindi masyadong nakikisalamuha sa ibang mga tao kahit ako’y nagbibinata na. Mabuti naman ang pagtrato sa akin ng lola ko dahil pinag-aral niya ako kahit hanggang 2nd year hayskul lang. Noong hayskul, tahimik, suplado, at weird ang unang impresyon sa akin ng mga kaklase ko.

Ang tanging kapiling ko sa aking pag-iisa, lalo na kapag wala sa aming kubong bahay ang mga pinsan at tiyuhin ko dahil nasa galaan o tambayan, ay ang isang maliit na radyo na pag-aari ng isa kong tiyahin na nagtatrabaho sa Pampanga. Nakasanayan ko na ang makinig ng iba’t ibang awitin mula sa hugis parisukat na bagay na ito lalo na kapag ako ay nalulungkot. Lahat ng musika at awitin ay gusto ko, maging rock, jazz, pop o rap man ito. Ngunit pinakagusto kong pinapakinggan ang mga malulungkot na awitin na ballad songs, hindi sa mensahe ng kanta kundi dahil sa malungkot na melodiya nito, iyong para akong hinehele sa alapaap. Sa pamamagitan ng pakikinig sa mga musikang ganito, kasabay ang pagsabay sa pag-awit ng kanta, ay nailalabas ko ang aking hindi maipaliwanag na takot at kalungkutan. Madalas ay nadadala ako sa mga awiting ito at hindi ko maiwasang hindi lumuha habang inaawit ang mga nasabing kanta. Pagkatapos kong sabayan ang awitin o kahit pakinggan lang ito ay nakakaranas ako ng hindi rin maipaliwanag na kaligayan, parang nakahinga ako nang maluwag.

Hindi ako makapagsabi kung alin sa mga awiting ito ang pinakagusto ko talaga subalit ang tatlo sa mga ito ay ang mga awiting Ocean Deep ni Cliff Richard , Ever Since the World Began ng Survivors, at Paalam Na ni Rachel Alejandro. Paborito ko ang Ocean Deep kasi parang ako ‘yung persona ng kanta – takot ipakita ang tunay na nararamdaman. Ito ang pinakahuling kanta na narinig ko sa tatlong nabanggit kasi hayskul na ako nang una ko itong marinig at nainlab agad ako sa awiting ito. Sa pangalawang awitin naman, malapit ito sa puso ko dahil feeling ko lang. Wala lang, hindi ko maipaliwanag kung bakit, eh. Una ko siyang narinig noong ako ay nasa elementarya pa lang, siguro Grade 2 ako noon. Basta gustung-gusto ko siyang pinapakinggan at inaawit at naiiyak ako habang ginagawa ko ito. Minsan nga nakita ako ng isa kong kaibigan, si Donna, na umiiyak at sinabihan niya akong parang baliw. Hindi lang kasi nila ako maintindihan kaya ganoon ang pananaw nila. Ang Paalam Na naman ni Rachel Alejandro ay handog ko sa aking sarili na katulad ng persona sa awitin, ay iniwan ng kanyang mahal sa buhay.

Sa ngayon ay wala akong balak na labanan ang aking kalungkutan. Komportable na akong kasama siya kapiling ang mga malulungkot na awitin. Siguro ay marami ang magtataka pero sa kalungkutan ko lang natatagpuan ang kapayapaang mahirap matagpuan ng ibang tao. Hanggang ako ay humihinga mananatili akong nakasandal sa aking kalungkutan na siyang tunay na nakakaunawa sa aking katauhan.

A Birthday Introspection

Posted in Uncategorized on Mayo 12, 2009 by starreader

Tapos na ang aking kaarawan. Tapos na rin ang vacation leave ko. Balik na naman sa trabaho mamayang gabi. Muli na naman akong dadagsain ng mga tawag ng mga Kanong namomroblema sa kanilang mga computer.

Paano ko ba ipinagdiwang ang aking bertdey? Ang tanong ay kung isinilebreyt ko ba ang aking kaarawan. Kung matatawag na ngang celebration ang pagpapaluto ko ng pansit canton kay Kuya Erwin, oo. Nauna na kasi kahapon ang pagpapainom ko sa aking mga barkada na wala naman talagang alam at pakialam sa aking buhay. Saglit lang ang pagharap ko sa kanila. Hindi nga nila napansin na wala na ako dahil abala sila sa pagtungga ng alak na binili ko habang kanya-kanyang kuwento ng mga kayabangan.

Tahimik lang kahapon, Mayo 11, ang araw ng aking kapanganakan. Mag-isa lang ako sa bahay, natulog maghapon. Alas sais na nang magising ako sa pagdating ni Kuya Erwin galing sa trabaho. Tinanong niya ako kung gusto ko ng pansit canton. Tumango lamang ako.

Matapos kumain ay nagkulong ulit ako sa kuwarto. Nilunod ko ang aking tenga sa pakikinig ng mga classical songs. Pagkatapos ay nagsalang ako ng jazz music disc. Humiga ako sa aking kama. Binalikan ko ang mga nangyari sa aking buhay ngayong taon, paatras sa nakaraang taon, pabalik sa panahon ng aking pagkabata. Hindi ko maiwasang hindi mapaiyak. Tahimik lang akong lumuha. Sumagi sa aking isiapn ang namatay na dalawang mahalagang tao sa aking buhay nitong mga nakalipas na buwan – ang bespren ko at ang lola ko. Napahagulhol na ako. Mabuti na lang at nakasara ang pinto at bintana ng aking kuwarto. Maingay din ang tunog ng bentilador kaya hindi ako maririnig ng mga tao sa sala.

Pakiramdam ko nang mga oras na iyon ay gumuho ang aking mundo, nag-iisa at walang makapitan. Matagal ring naging manhid ang puso ko at nang mga panahong iyon ay bumulwak ang mga itinatago kong sama ng loob, galit, lungkot, at iba pang mga emosyong hindi ko na maintindihan. Nakatulog akong umiiyak.

Naalimpungatan ako nang mga alas tres. Gumaan na ang aking pakiramdam. Sa wakas at nailabas ko rin ang kinikimkim kong mga hinanakit sa buhay. Kinausap ko ang Dakilang Lumikha, humingi ako ng tawad sa aking mga nagawang pagkakamali. Nagpasalamat ako sa mga biyayang dumating sa akin sa kabila ng mga pangit na nangyari. Ganoon naman talaga kasi ang buhay, may lungkot at may saya. Humingi ako sa kanya ng karunungan sa pagdedesisyon sa aking buhay, kasama na ang kanyang paggabay.

Sa ngayon, aaminin ko na naroon pa rin ang pakiramdam ng pagkabalisa. Wala naman kasing nakakaalam ng mangyayari sa hinaharap. Subalit naisip ko na habang nabubuhay ako, pipilitin kong maging masaya at makabuluhan ang mga oras na ilalagi ko rito sa mundong ibabaw. Happiness is a choice, sabi nila. At ito ang pinili ko.

Tuwing Umuulan

Posted in Uncategorized on Abril 25, 2009 by starreader

Summer ngayon pero tatlong araw nang umuulan. May bagyo raw kasi sabi nung taxi driver na nasakyan ko kahapon.

Ayoko ng ulan. Lalong lalo na ang marinig ang pagpatak nito.

Kinakabahan ako kapag naririnig ko ang patak ng ulan sa aming kalawanging bubungan. Kinikilabutan ako lalo na kapag may kasama itong kulog at malakas na hangin. Pakiramdam ko, magugunaw na ang mundo. Nagsasalimbayan sa aking gunita ang mga eksenang nabasa ko sa Bibliya noong ako ay nasa elementarya pa lang. Lalo pa akong natatakot ako kapag madilim ang paligid dulot ng makapal na ulap-ulan. Pakiramdam ko kapag umuulan ay hindi ko na masisilayan ba ang maliwanag na bukas.

Ayoko ng ulan.

Pinapalungkot ako ng pagluha ng kalangitan. Maraming mga masasama at masasakit na alaala ang hatid sa akin ng pag-ulan. Umuulan noon nang umuwi kami sa Bicol ng mga kapatid ko pagkatapos maghiwalay ang aking mga magulang noong ako ay anim na taong gulang. Humahampas ang malakas na alon sa sinasakyan naming bangkang de-motor habang tahimik akong lumuluha dahil mapapalayo ako sa tatay ko. Papa’s boy kasi ako, madalas kaming naglalaro noon ng aking mahal na ama. Nasa tabi niya ako lagi kahit nag-iinuman pa sila ng mga kabarkada niya. Palagi niya rin akong iniaangkas sa kanyang likuran kapag namamasyal kami ng buong pamilya. Tatlo kaming magkakapatid at ako ang panggitna. Paborito ng aking mga lolo at lola sa ama ang aking kuya kaya mas madalas sa kanila ang kapatid ko. Babae ang bunso namin, at siya namang laging inaasikaso ng nanay ko dahil nag-iisang babae. Kaya naging mas malapit ako sa tatay ko. Dalawampung taon na ang lumipas at hindi ko na maibabalik pa ang nakaraan.

Napapaluha ako kapag umuulan. Alam ko kasing iyon ang pagkakataon upang ako naman ay umiyak. Ilan lamang ang nakakaalam ng aking tunay na saloobin. Marami sa mga taong nasa paligid ko ay masayahin ang pagkakakilala sa akin. Iyon naman kasi talaga ang ipinapakita ko sa kanila. Saka ayoko rin kasi ang maging malungkot, eh ganun na nga ang buhay ko, ‘di ba? Dapat kung may lungkot, may saya para balanse.

Panaghoy ng Puso

Posted in Uncategorized on Disyembre 30, 2008 by starreader

Ngayon ang huling gabi ng pagluha ng aking puso
Gusto ko lang isatinig ang mga hinanakit nito.

Talaga bang ganoon? Parang dinadaya ako ng mundo.
Mahal ko siya pero may mahal naman siyang iba.
Gusto ko siyang makasama pero iba ang kapiling niya
Madaya nga ba ang mundo o hangal lang ang puso ko?

Dati ay ganito ang pananaw ko sa pag-ibig:
Kahit nasasaktan at balewala, dapat magtiis;
Kahit ipinagtatabuyan na, ayos lang
Ang mahalaga kasi, ako’y nagmamahal.

Sabi naman ng iba dapat ganito ang pag-ibig:
Ito raw ay nagbibigay, hindi sakim at nananakit,
Ito raw ay nagpapasaya, hindi nagpapaiyak.
Dapay daw bukas ang puso at makatarungan sa lahat.

Ahhh… tunay ngang kaysarap ang umibig!
Ngunit pag nabigo, kaysakit sa dibdib.
Madali ang umibig pero matagal ang paglimot
Ang sandaling ligaya ay napapalitan ng lungkot.

Sabi nga ng lola ko, nagsismula raw ang buhay natin
Kapag nahanap na natin ang taong ating mamahalin
Tinanong niya ako, “Nagsimula na ba ang buhay mo?”
Sagot ko, “Tapos na po dahil iniwan na niya ako…”

Ngayon ang huling gabi ng pagluha ng aking puso.
Maluwag ko nang tinatanggap ang aking pagkabigo.

Short Poems

Posted in Uncategorized on Nobyembre 29, 2008 by starreader

Carlo’s Eyes

Two small balls of light
Staring to whoever passed by
Wanted to convey something
Yet no one seems to mind.

A teenage girl of twelve
Cannot help but stare
To the two balls of light
This there is something to tell.

Somehow she understands
This look of Carlo’s eyes
Piercing, penetrating
Searching something in her.


Feel Free!

Life is beautiful
Smile. Laugh. Fly. Jump.
Sing. Dance. Walk. Run.
Be happy. Feel free.

Let your body feel the heat of the sun.
Let your heart beats with care and love.
Make your day worthwhile by spending it with your loved ones.
Life is beautiful. Yet is so short.
Be happy. Feel free.


Blue Moon!

The sun is already asleep
The sky is dark and silent
Silence rules the night
Stars are shining bright.

The blue moon is watching
Breathing with a cold wind
Her breeze touches the earth
She is sighing deeply.

The Reason Why I Do

Posted in Uncategorized on Oktubre 15, 2008 by starreader

I admire you because of…
You’re being honest and brave at the same time,
Appreciating things beyond the flesh,
Making my day brighter,
Making me smile and at the same time making me cry.

By making me realize that there is such thing as weakness,
By making me learn that life is good,
By making me realize that every word I say is sensible,
By making my heart skip a beat every time I see you,
By making my life a wonderful pavement to walk on,
By making me believe in true love,
By making me think that God is actually good all the time,
By making me understand that love is not skin-deep,
By making me realize that sometimes lave can hurt,
By making me digest every fiber of a song,
By making me learn that I am not alone,
By making me love myself unconditionally,
By making me think that love is possible even there’s a vast space between us,
By making me smile every time your words tickle my thoughts,
By making my pains ease away,
By making me appreciate the beauty that surrounds me,
And by making me love you in absolute surrender.

Thanks for your love…
I love you,
And I miss you.

Ligaya

Posted in Uncategorized on Setyembre 29, 2008 by starreader

Ang mga sandaling ikaw ay kapiling
Tugon ni Bathala sa ‘king panalangin;
Dininig ang aking mataimtimang hiling
Upang ako’y malango sa aking giliw.

Ang mga minutong tayo’y magkaakbay
Higit pa sa pagbubunyi ng tagumpay
Ang mga labi natin ay magkaramay
Sa pagsasalo ng kagalaka’t lumbay.

Ang mga oras ay inuubos natin
Habang ang ating mga mata’y nakatingin;
Sa ating sariling liwanag at ningning
Hanggang katawan ay matunaw sa dilim.

Hindi ko batid kung ika’y minamahal,
Lalong di alam kung ako’y iyong mahal.
Sa araw-araw isa lamang ang alam
Ikaw ang ligaya na ‘king inaasam.

Nawasak na Pag-asa

Posted in Uncategorized on Agosto 29, 2008 by starreader

Dahan-dahan kang pumasok,
Kaybango ng iyong buhok,
At katawan mo’y kaylambot,
Ligaya sa aki’y dulot.

Ika’y liwanag sa dilim
Bulaklak sa aking hardin;
Tuwa’t sayang walang maliw
Sa puso kong naninimdim.

Ay, tadhana, anong saklap
Bunga ng aking paglingap;
Pag-asa ko ay winasak
Kaylalim ng gawang sugat.

Ngayon, puso’y tumatangis
Patuloy na humihibik;
Labis ang iyong pasakit
Nang pag-ibig ipagkait.

Aasa pa kaya ako
Gayong puso’y nagdurugo?
Mabuti pa ang sumuko,
Tanggap ko nang ako’y bigo.

Spaghetti

Posted in Uncategorized on Hulyo 26, 2008 by starreader

“Para ka namang aso.”

Ito ang madalas sabihin sa akin ng mga nakakakita sa akin kapag ako ay kumakain. Hindi ko alam kung bakit pero nakasanayan ko nang amuyin ang bawat bagay na mahawakan ko, pagkain man ito o hindi. Minsan nga ay itinatago ko na lang ang bisyong ito dahil minsan ay nakakahiya naman itong ipakita lalo na sa isang handaan. Sensitbo talaga ang aking ilong at madalas nga akong sipunin dahil dito.

Sa lahat ng ayokong amoy ay ang amoy ng spaghetti, Pinoy style man yan, Italian o kahit ano pang luto. Actually hindi naman ‘yung pasta ang hindi ko gusto kundi ang amoy ng sarsa (sauce) nito. Sa amoy pa lang kasi ay naduduwal na ako, nahihilo at bumabaligtad ang aking sikmura kapag nalanghap ko ito kahit hindi ko pa ito nakikita. Ang totoo niyan, noong ako ay nasa elementarya pa lang ay dati naman akong kumakain ng spaghetti lalo na kapag may nagbi-birthday sa aming baryo at iniimbitahan ang mga kakilala. Nagbago lang ang aking persepsyon sa spaghetti noong ako ay nasa hayskul na. Ayon sa mga eksperto at sikolohista, ang pagbabago sa persepsyon ay maaaring nag-ugat sa kamalayan, emosyon o pareho. Napaglimi ko na parang ganoon nga ang nangyari sa akin at sa aking pagka-ayaw sa amoy ng spaghetti.

Ganito kasi ang nangyari noon. Mayroon akong crush na barkada ko rin, si Jay. Klasmeyt ko siya mula grade one subalit noong nasa haiskul na kami ay laging magkaiba ang aming section. Pero barkada ko pa rin siya at lagi kaming magkakasabay ng mga barkada sa pag-uwi sa kabilang baryo kung saan kami nakatira. Kahawig niya si Ariel Rivera maliban sa kulot niyang buhok na mala-Jericho Rosales. May taas siyang 5’6, moreno at may matipunong pangangatawan dahil tumutulong siya sa kaniyang ama sa bukid. Sa madaling sabi, guwapo, pero mas nagustuhan ko ang pagiging palakaibigan at mapagbiro niya. Sa kaniyang mahusay na pagpapatawa ko siya nagustuhan dahil ako naman ay tahimik at seryoso. Opposites nga raw kami sabi ng mga nakakakilala sa amin.

JS Prom namin noon at kami ay nasa ikatlong taon. Romantic ang ambiance dahil Valentines Day. Nang makatiyempo ay hinila ko si Jay sa isang sulok. Nagpasya akong ipagtapat na sa kanya ang aking nararamdaman. Akala niya ay nagbibiro lang ako kaya tumawa lang siya sabay akbay sa akin. Subalit ako ay medyo nahihilo dahil sa pagtagay ko kanina ng isang boteng Red Horse kaya nang inakbayan niya ako ay hindi ko napigilan ang sarili kong hindi dampian ang kanyang hugis-pusong mga labi. Nagulat si Jay at ako ay kaniyang naitulak. Natumba ako sa damuhan pero hindi man lang niya ako nilapitan para humingi ng paumanhin. Mag-isa akong tumayo. Maya-maya lang ay dumating ang aming bespren na si Gerry at may dala-dalang pagkain sa isang styrofoam. Nang mga oras na iyon ay umaagos na ang aking mga luha subalit hindi nila masyadong napansin dahil madilim ang bahaging kinatatayuan naming tatlo. Parang sasabog ang dibdib ko sa sama ng loob at awa sa sarili. Masama bang magmahal? Masama bang maging bakla? Ang daming mga tanong sa aking isipan na hindi ko mahanapan ng kasagutan. Kaysakit. Si Jay ang unang lalaking minahal ko, at ang akin ring unang kabiguan. Nang buksan ni Gerry ang dala niyang pagkain sa harap ko at naamoy ito ay lalo akong naliyo, napatakbo ako sa tabing-dagat at doon ako nagsusuka kasabay ng paghagulhol upang ilabas ang sakit na aking nararamdaman ng mga panahong iyon. Sumunod naman ang dalawa sa akin at hinagod ni Gerry ang likod ko samantalang nakamasid lang si Jay sa akin. (Ang paaralan naming Villamayor High School sa bayan ng Minalabac, Camarines Sur ay nakaharap sa Ragay Gulf, tapat ng Burias Island sa Bicol).

Naglalakad na kami pauwi nang mag-usisa si Gerry sa akin kung ano ang nangyari kanina. Ipinagtapat ko sa kanya ang lahat dahil bespren ko siya at pinayuhan niya ako na huwag kong hayaan na masira ang pagkakaibigan namin ni Jay dahil sa nararamdaman ko. Tama ba ang sundin siya? Naging matapat lang naman ako sa aking sarili. Marahil ay tama siya. Sa ngayon ay mahal ko pa rin si Jay subalit mas pinili ko pa ring sundin si Gerry. Magkakaibigan pa rin kaming tatlo at kahit bihira na lang kami magkita-kitang magbabarkada ay nananatili pa rin ang bonding naming sa isa’t isa. Si Jay ay nasa Naga City ngayon at nagtatrabaho bilang waiter sa isang hotel doon samantalang si Gerry ay nasa Bagumbayan, Taguig City. Lagi kaming nagbabalitaan sa mga text. Nalaman kong nagbabalak nang magpakasal si Jay sa kanyang matagal nang kasintahan.

Hindi ko pa rin nakakalimutan ang pangyayaring iyon at minsan ay tinatawanan ko na lang ang kabaliwang iyon. At simula rin noon ay hindi na ako kumakain ng spaghetti dahil kapag naaamoy ko ang sauce nito ay hindi ko talaga maiwasan ang hindi mahilo at maduwal. Marahil dahil hanggang ngayon ay may nararamdaman pa ako para kay Jay. Mahirap naman talagang kalimutan ang first love. Sa ngayon ay unti-unti ko nang natatanggap ang amoy ng spaghetti. Subalit mas gusto ko pa ring nakahain sa aking harapan ang pansit lalo na ang pansit bihon na siyang paborito ko sa lahat ng pansit.