Spaghetti

“Para ka namang aso.”

Ito ang madalas sabihin sa akin ng mga nakakakita sa akin kapag ako ay kumakain. Hindi ko alam kung bakit pero nakasanayan ko nang amuyin ang bawat bagay na mahawakan ko, pagkain man ito o hindi. Minsan nga ay itinatago ko na lang ang bisyong ito dahil minsan ay nakakahiya naman itong ipakita lalo na sa isang handaan. Sensitbo talaga ang aking ilong at madalas nga akong sipunin dahil dito.

Sa lahat ng ayokong amoy ay ang amoy ng spaghetti, Pinoy style man yan, Italian o kahit ano pang luto. Actually hindi naman ‘yung pasta ang hindi ko gusto kundi ang amoy ng sarsa (sauce) nito. Sa amoy pa lang kasi ay naduduwal na ako, nahihilo at bumabaligtad ang aking sikmura kapag nalanghap ko ito kahit hindi ko pa ito nakikita. Ang totoo niyan, noong ako ay nasa elementarya pa lang ay dati naman akong kumakain ng spaghetti lalo na kapag may nagbi-birthday sa aming baryo at iniimbitahan ang mga kakilala. Nagbago lang ang aking persepsyon sa spaghetti noong ako ay nasa hayskul na. Ayon sa mga eksperto at sikolohista, ang pagbabago sa persepsyon ay maaaring nag-ugat sa kamalayan, emosyon o pareho. Napaglimi ko na parang ganoon nga ang nangyari sa akin at sa aking pagka-ayaw sa amoy ng spaghetti.

Ganito kasi ang nangyari noon. Mayroon akong crush na barkada ko rin, si Jay. Klasmeyt ko siya mula grade one subalit noong nasa haiskul na kami ay laging magkaiba ang aming section. Pero barkada ko pa rin siya at lagi kaming magkakasabay ng mga barkada sa pag-uwi sa kabilang baryo kung saan kami nakatira. Kahawig niya si Ariel Rivera maliban sa kulot niyang buhok na mala-Jericho Rosales. May taas siyang 5’6, moreno at may matipunong pangangatawan dahil tumutulong siya sa kaniyang ama sa bukid. Sa madaling sabi, guwapo, pero mas nagustuhan ko ang pagiging palakaibigan at mapagbiro niya. Sa kaniyang mahusay na pagpapatawa ko siya nagustuhan dahil ako naman ay tahimik at seryoso. Opposites nga raw kami sabi ng mga nakakakilala sa amin.

JS Prom namin noon at kami ay nasa ikatlong taon. Romantic ang ambiance dahil Valentines Day. Nang makatiyempo ay hinila ko si Jay sa isang sulok. Nagpasya akong ipagtapat na sa kanya ang aking nararamdaman. Akala niya ay nagbibiro lang ako kaya tumawa lang siya sabay akbay sa akin. Subalit ako ay medyo nahihilo dahil sa pagtagay ko kanina ng isang boteng Red Horse kaya nang inakbayan niya ako ay hindi ko napigilan ang sarili kong hindi dampian ang kanyang hugis-pusong mga labi. Nagulat si Jay at ako ay kaniyang naitulak. Natumba ako sa damuhan pero hindi man lang niya ako nilapitan para humingi ng paumanhin. Mag-isa akong tumayo. Maya-maya lang ay dumating ang aming bespren na si Gerry at may dala-dalang pagkain sa isang styrofoam. Nang mga oras na iyon ay umaagos na ang aking mga luha subalit hindi nila masyadong napansin dahil madilim ang bahaging kinatatayuan naming tatlo. Parang sasabog ang dibdib ko sa sama ng loob at awa sa sarili. Masama bang magmahal? Masama bang maging bakla? Ang daming mga tanong sa aking isipan na hindi ko mahanapan ng kasagutan. Kaysakit. Si Jay ang unang lalaking minahal ko, at ang akin ring unang kabiguan. Nang buksan ni Gerry ang dala niyang pagkain sa harap ko at naamoy ito ay lalo akong naliyo, napatakbo ako sa tabing-dagat at doon ako nagsusuka kasabay ng paghagulhol upang ilabas ang sakit na aking nararamdaman ng mga panahong iyon. Sumunod naman ang dalawa sa akin at hinagod ni Gerry ang likod ko samantalang nakamasid lang si Jay sa akin. (Ang paaralan naming Villamayor High School sa bayan ng Minalabac, Camarines Sur ay nakaharap sa Ragay Gulf, tapat ng Burias Island sa Bicol).

Naglalakad na kami pauwi nang mag-usisa si Gerry sa akin kung ano ang nangyari kanina. Ipinagtapat ko sa kanya ang lahat dahil bespren ko siya at pinayuhan niya ako na huwag kong hayaan na masira ang pagkakaibigan namin ni Jay dahil sa nararamdaman ko. Tama ba ang sundin siya? Naging matapat lang naman ako sa aking sarili. Marahil ay tama siya. Sa ngayon ay mahal ko pa rin si Jay subalit mas pinili ko pa ring sundin si Gerry. Magkakaibigan pa rin kaming tatlo at kahit bihira na lang kami magkita-kitang magbabarkada ay nananatili pa rin ang bonding naming sa isa’t isa. Si Jay ay nasa Naga City ngayon at nagtatrabaho bilang waiter sa isang hotel doon samantalang si Gerry ay nasa Bagumbayan, Taguig City. Lagi kaming nagbabalitaan sa mga text. Nalaman kong nagbabalak nang magpakasal si Jay sa kanyang matagal nang kasintahan.

Hindi ko pa rin nakakalimutan ang pangyayaring iyon at minsan ay tinatawanan ko na lang ang kabaliwang iyon. At simula rin noon ay hindi na ako kumakain ng spaghetti dahil kapag naaamoy ko ang sauce nito ay hindi ko talaga maiwasan ang hindi mahilo at maduwal. Marahil dahil hanggang ngayon ay may nararamdaman pa ako para kay Jay. Mahirap naman talagang kalimutan ang first love. Sa ngayon ay unti-unti ko nang natatanggap ang amoy ng spaghetti. Subalit mas gusto ko pa ring nakahain sa aking harapan ang pansit lalo na ang pansit bihon na siyang paborito ko sa lahat ng pansit.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: