A Birthday Introspection

Tapos na ang aking kaarawan. Tapos na rin ang vacation leave ko. Balik na naman sa trabaho mamayang gabi. Muli na naman akong dadagsain ng mga tawag ng mga Kanong namomroblema sa kanilang mga computer.

Paano ko ba ipinagdiwang ang aking bertdey? Ang tanong ay kung isinilebreyt ko ba ang aking kaarawan. Kung matatawag na ngang celebration ang pagpapaluto ko ng pansit canton kay Kuya Erwin, oo. Nauna na kasi kahapon ang pagpapainom ko sa aking mga barkada na wala naman talagang alam at pakialam sa aking buhay. Saglit lang ang pagharap ko sa kanila. Hindi nga nila napansin na wala na ako dahil abala sila sa pagtungga ng alak na binili ko habang kanya-kanyang kuwento ng mga kayabangan.

Tahimik lang kahapon, Mayo 11, ang araw ng aking kapanganakan. Mag-isa lang ako sa bahay, natulog maghapon. Alas sais na nang magising ako sa pagdating ni Kuya Erwin galing sa trabaho. Tinanong niya ako kung gusto ko ng pansit canton. Tumango lamang ako.

Matapos kumain ay nagkulong ulit ako sa kuwarto. Nilunod ko ang aking tenga sa pakikinig ng mga classical songs. Pagkatapos ay nagsalang ako ng jazz music disc. Humiga ako sa aking kama. Binalikan ko ang mga nangyari sa aking buhay ngayong taon, paatras sa nakaraang taon, pabalik sa panahon ng aking pagkabata. Hindi ko maiwasang hindi mapaiyak. Tahimik lang akong lumuha. Sumagi sa aking isiapn ang namatay na dalawang mahalagang tao sa aking buhay nitong mga nakalipas na buwan – ang bespren ko at ang lola ko. Napahagulhol na ako. Mabuti na lang at nakasara ang pinto at bintana ng aking kuwarto. Maingay din ang tunog ng bentilador kaya hindi ako maririnig ng mga tao sa sala.

Pakiramdam ko nang mga oras na iyon ay gumuho ang aking mundo, nag-iisa at walang makapitan. Matagal ring naging manhid ang puso ko at nang mga panahong iyon ay bumulwak ang mga itinatago kong sama ng loob, galit, lungkot, at iba pang mga emosyong hindi ko na maintindihan. Nakatulog akong umiiyak.

Naalimpungatan ako nang mga alas tres. Gumaan na ang aking pakiramdam. Sa wakas at nailabas ko rin ang kinikimkim kong mga hinanakit sa buhay. Kinausap ko ang Dakilang Lumikha, humingi ako ng tawad sa aking mga nagawang pagkakamali. Nagpasalamat ako sa mga biyayang dumating sa akin sa kabila ng mga pangit na nangyari. Ganoon naman talaga kasi ang buhay, may lungkot at may saya. Humingi ako sa kanya ng karunungan sa pagdedesisyon sa aking buhay, kasama na ang kanyang paggabay.

Sa ngayon, aaminin ko na naroon pa rin ang pakiramdam ng pagkabalisa. Wala naman kasing nakakaalam ng mangyayari sa hinaharap. Subalit naisip ko na habang nabubuhay ako, pipilitin kong maging masaya at makabuluhan ang mga oras na ilalagi ko rito sa mundong ibabaw. Happiness is a choice, sabi nila. At ito ang pinili ko.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: