Awit ng Buhay Ko

Sinasabing ang musika ay nakakapagpagaling ng sugatang puso. Para sa akin, ang kasabihang ito ay totoo. Mula pagkabata, ang musika lang ang tanging nakakaunawa sa aking masalimuot na mga damdamin – nagpapasaya sa tuwing ako’y nalulungkot, nakikiindak sa tuwing ako’y masaya, nakikiluha sa tuwing ako’y nasasaktan.

Ako ang taong mayroong hindi magandang karanasan mula pa pagkabata. Tatlong gulang pa lang ako nang maghiwalay ang mga magulang ko. Hindi naman kasi sila kasal kaya madali nilang napagkasunduang magkanya-kanya na ng buhay. Tatlo kaming magkakapatid at ako ang middle child. Sabi noon sa aming THE (Technology and Home Economics) subject, karaniwan nang ang middle child ang balewala sa magkakapatid. Nang maghiwalay ang mga magulang ko, naiwan ang kuya ko sa pangangalaga ng tatay ko samantalang kami ng kapatid kong bunso na isang babae ay isinama ng nanay ko sa probinsiya ng Camarines Sur, Bicol kung saan nandoon ang aking mga lolo at lola sa ina. Subalit makalipas ang ilang linggo ay lumuwas ng Maynila ang nanay ko kasama ang kapatid ko at iniwan ako sa kalinga ng aking lola. Hindi naging maganda ang pagtrato sa akin ng mga agwela ko lalo na ang lolo ko dahil ayon sa kaniya ay hindi niya obligasyon ang alagaan ako. Siguro kaya ganoon ang naging pagtanggap niya sa akin kasi napagod na siya sa pagpapalaki ng kaniyang labing-isang mga anak. Gayundin nang mga panahong iyon ay nakatira rin sa kanila ang iba ko pang mga pinsan na iniwan din ng aking mga tiyahin sa kanilang pangangalaga. Ang mas malala pa nito, pati ang aking mga tiyuhin na kapatid ng aking ina ay malupit din ang pagtrato hindi lang sa akin kundi maging sa iba ko pang mga pinsan. Dahil dito, naging malulungkutin ako, laging nag-iisa at hindi masyadong nakikisalamuha sa ibang mga tao kahit ako’y nagbibinata na. Mabuti naman ang pagtrato sa akin ng lola ko dahil pinag-aral niya ako kahit hanggang 2nd year hayskul lang. Noong hayskul, tahimik, suplado, at weird ang unang impresyon sa akin ng mga kaklase ko.

Ang tanging kapiling ko sa aking pag-iisa, lalo na kapag wala sa aming kubong bahay ang mga pinsan at tiyuhin ko dahil nasa galaan o tambayan, ay ang isang maliit na radyo na pag-aari ng isa kong tiyahin na nagtatrabaho sa Pampanga. Nakasanayan ko na ang makinig ng iba’t ibang awitin mula sa hugis parisukat na bagay na ito lalo na kapag ako ay nalulungkot. Lahat ng musika at awitin ay gusto ko, maging rock, jazz, pop o rap man ito. Ngunit pinakagusto kong pinapakinggan ang mga malulungkot na awitin na ballad songs, hindi sa mensahe ng kanta kundi dahil sa malungkot na melodiya nito, iyong para akong hinehele sa alapaap. Sa pamamagitan ng pakikinig sa mga musikang ganito, kasabay ang pagsabay sa pag-awit ng kanta, ay nailalabas ko ang aking hindi maipaliwanag na takot at kalungkutan. Madalas ay nadadala ako sa mga awiting ito at hindi ko maiwasang hindi lumuha habang inaawit ang mga nasabing kanta. Pagkatapos kong sabayan ang awitin o kahit pakinggan lang ito ay nakakaranas ako ng hindi rin maipaliwanag na kaligayan, parang nakahinga ako nang maluwag.

Hindi ako makapagsabi kung alin sa mga awiting ito ang pinakagusto ko talaga subalit ang tatlo sa mga ito ay ang mga awiting Ocean Deep ni Cliff Richard , Ever Since the World Began ng Survivors, at Paalam Na ni Rachel Alejandro. Paborito ko ang Ocean Deep kasi parang ako ‘yung persona ng kanta – takot ipakita ang tunay na nararamdaman. Ito ang pinakahuling kanta na narinig ko sa tatlong nabanggit kasi hayskul na ako nang una ko itong marinig at nainlab agad ako sa awiting ito. Sa pangalawang awitin naman, malapit ito sa puso ko dahil feeling ko lang. Wala lang, hindi ko maipaliwanag kung bakit, eh. Una ko siyang narinig noong ako ay nasa elementarya pa lang, siguro Grade 2 ako noon. Basta gustung-gusto ko siyang pinapakinggan at inaawit at naiiyak ako habang ginagawa ko ito. Minsan nga nakita ako ng isa kong kaibigan, si Donna, na umiiyak at sinabihan niya akong parang baliw. Hindi lang kasi nila ako maintindihan kaya ganoon ang pananaw nila. Ang Paalam Na naman ni Rachel Alejandro ay handog ko sa aking sarili na katulad ng persona sa awitin, ay iniwan ng kanyang mahal sa buhay.

Sa ngayon ay wala akong balak na labanan ang aking kalungkutan. Komportable na akong kasama siya kapiling ang mga malulungkot na awitin. Siguro ay marami ang magtataka pero sa kalungkutan ko lang natatagpuan ang kapayapaang mahirap matagpuan ng ibang tao. Hanggang ako ay humihinga mananatili akong nakasandal sa aking kalungkutan na siyang tunay na nakakaunawa sa aking katauhan.

2 Tugon to “Awit ng Buhay Ko”

  1. Aw…
    T_T

  2. Pare! naka-relate ako sa buhay mo! akala ko nga kuya ko ang sumulat nito,kase yong mga lugar at iba ay kapareho ng nangyari sa buhay ko!alam mo nabasa ko to kase nag-hahanap ako ng word ng pwede kong i-translate sa alibata or ancient filipino lettering, naisip ko nga yong awit ng buhay ko!malalim para sakin kase,ang musika rin ang lumilinis sa aking pag-katao mag-kaiba lang tayo kase sa gitna ng matitinding bagyo sa buhay inaawitan ko ang ating panginoon,at may mga kanta na talagang parang dasal para sa akin,mula sa puso ko patungo sa langit na nag-bigay sa akin ng buhay,sa tuwing ako ay kumakanta para sa kanya unti-unting napapawe ang kalungkutan at para bang napapawi ang kadiliman sa aking dibdib at pag-mamahal niya ang kapalit,wala ng ang kalungkutan dahil si hesus na ang nasa Puso ko,sana subukan mong papasukin sya sayong puso,at awitan mo sya ng galing sa bukal mong pagmamahal!at di kana malulungkot kaylanman!

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: